Hiniling ng non-government organization na Blas F. Ople Policy Center sa
Philippine Overseas Employment Administration (POEA),  na huwag hayaang makakuha ng kasambahay na Pinoy ang Kuwaiti social-media influencer matapos nitong batikusin ang ilang laman sa kasunduan na magbibigay ng proteksyon sa mga  OFW.

Ayon kay Susan Ople, pinuno ng Center, nagpapakita si Sondos al-Qattan ng umano'y "the ugly face of modern-day slavery and should be included in the POEA’s blacklist of abusive and undesirable foreign employers."

"By her words, publicly uttered and shared through social media, her undesirability as a foreign employer, cannot be denied. She is not worthy to be even in the same room as our valiant and hardworking OFWs," dagdag pa ni Ople.

Una rito, kinuwestiyon ni Al-Qattan sa kaniyang social media post ang ilang prebilehiyo na ibinigay sa OFW na bahagi ng kasunduan ng Pilipinas at Kuwait para sa kapakanan ng mga migranteng manggagawang Pinoy.

Kabilang sa pinuna ni Al-Qattan ang pagkakaroon ng day-off ng mga OFW na kasambahay at payagang manatili sa kanila ang kanilang pasaporte na dating kinukumpiska ng mga amo.

Nilinaw ni POEA Administrator Bernard Olalia na ang pribilehiyo na ibinigay sa mga OFW ay bahagi ng, "bilateral labor agreement that the Philippines recently signed with Kuwait and the guidelines issued by the POEA very clearly states that the passport should be in the possession of the domestic worker and that she is entitled to a weekly day off."

"Kuwaiti employers who refuse to follow these provisions shall be immediately blacklisted," ayon pa kay Olalia.

Ayon kay Ople, nangako si Olalia na isasama si Al-Qattan sa "blacklist" ng POEA.

Hinikayat din ng Policy Center ang iba pang bansa na nagpapadala ng mga domestic workers na i-blacklist din si Al-Qattan sa kanilang bansa bilang "undesirable employer." -- Jamil Santos/FRJ, GMA News