Limang Pinoy seafarer ang sugatan matapos umanong pagtulungang gulpihin ng grupo ng Indonesian seafarers sa Cape Town, South Africa.

Kinumpirma ni Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesperson Elmer Cato, batay sa ulat na ipinadala ni Pretoria Ambassador Joseph Gerald Angeles.

Nangyari umano ang insidente matapos mauwi sa rambol ang pagtatalo ng mga Pinoy at Indonesian seaferers nung Biyernes na nagresulta sa pagkakasugat sa limang Pinoy.

Tatlo umano sa kanila ay nananatili pa rin sa intensive care unit sa isang ospital matapos magtamo ng malalang sugat sa katawan.

Nakatakda namang bisitahin ni Philippine Honorary Consul sa Cape Town na si Steven Chaimowitz ang agency ng mga sugatang Pinoy upang malaman ang mga maaring ibigay na tulong ng gobyerno.

Sa ngayon ay sinisikap pa ng embahada ng pilipinas na makakuha ng karagdagang detalye sa insidente habang tiniyak naman nilang tutulungan ang mga nasugatang Pinoy. — BAP, GMA News