Kinansela ang nakatakda sanang pagpunta nina Labor Secretary Silvestre Bello III at presidential spokesman Secretary Harry Roque sa Libya kaugnay sa pagsisikap na masagip ang tatlong Pinoy na binihag ng armadong grupo sa naturang bansa.

"It was cancelled I guess because there were security considerations; but we took steps to prepare for the trip and it was expressly to rescue the Filipino captains kidnapped by bandits in Libya," sabi ni Roque sa ginanap na briefing sa Bukidnon nitong Biyernes.

Kasama ng tatlong Pinoy ang isang Korean nang dukutin sila ng armadong grupo nitong nakaraang buwan sa kanilang pinagtatrabahuhang kompanya.

Sa video na lumabas sa social media kamakailan, humihingi ng tulong at nagpapasaklolo ang apat na bihag.

Kinumpirma ni Foreign Affairs spokesperson Elmer Cato na mga Pinoy ang tatlong bihag. Inihayag niya na ginagawa ng pamahalaan ang lahat para ligtas silang mapalaya.

Ang Korea, ipinadala sa Libya ang kanilang warship na Munmu the Great para magamit kung kakailangin sa pagligtas sa kanilang kababayan.

Hindi naman tiyak si Roque sa detalye ng ginagawang hakbang ng Pilipinas para masagip ang tatlong Pinoy. Gayunman, sinabi niya na kasama ang "very high level of members of government" sa hakbang na sagipin ang mga bihag.

"I don’t know now what’s the status is, because I think security considerations made Secretary Bello to postpone the trip to a later date," saad ng opisyal. —FRJ, GMA News