Nalapnos ang balat sa likod ng isang OFW sa Damman, Saudi Arabia matapos na buhusan umano ng mainit na tubig ng kaniyang amo.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing nanawagan ng tulong ang pamilya ng OFW na si Gealyn Tumalip-Gavanes para maiuwi na siya.

Napag-alaman na dalawang buwan pa lang nagtatrabaho sa ibang bansa si Gavanes pero nakaranas na siya ng pagmamalupit sa kaniyang amo.

Nang magsumbong umano ang OFW sa agency, lalo pa raw nagalit ang amo at binuhusan siya ng mainit na tubig.

Nasa ospital na ngayon ang OFW at pinapangalagaan ng Overseas Worker Welfare Administration.-- FRJ, GMA News