Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Martes na 10 Filipino mula sa tatlong pamilya ang kabilang sa mga naapektuhan ng fuel tanker explosion na naganap malapit sa Bologna airport sa Italy.

Sa pahayag, sinabi ng DFA na ang tatlong pamilya ng mga Pinoy ay nakatira sa apartment na kabilang sa mga napinsala sa pagsabog.

Kabilang sa 10 Pinoy ay dalawang menor de edad at dalawang sanggol.

Sa isang ulat ng Reuters, sinabing dalawa ang nasawi at mahigit 60 katao ang nasugatan sa naturang insidente.

Ayon kay Consul General Irene Susan Natividad, nabasag at nasira ang mga pinto at bintana ng mga apartment unit na tinitirhan ng tatlong pamilyang Pinoy.

"We are saddened by the loss of life in the accident in Bologna and pray for the speedy recovery of the injured," sabi ni Natividad.

Nasa 20,000 Filipino ang naninirahan sa Emilia Romagna Region, kung nasaan ang Bologna, ayon sa DFA.

Nangyari ang insidente nang bumangga ang tanker truck na naglalaman ng inflammable materials sa likod ng isa pang truck. Nag-apoy muna ang truck at naglabas ng maitim na usok bago naganap ang malakas na pagsabog.— FRJ, GMA News