Ilang beses na umanong nagpalipat-lipat ng amo ang OFW na pumanaw sa Dubai na si Angel Trasadas dahil sa pagmamaltrato. Hanggang ngayon, hindi pa malinaw kung ano ang dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, kinilala ang nasawing OFW na si Angel Trasadas, tubong General Santos City.

Ayon sa isang kaanak ni Trasadas, ang pagkakaalam lang niya ay nagkaroon pagdurugo ang OFW.

Tumangging magbigay ng pahayag ang konsulado ng Pilipinas sa Dubai sa sanhi ng pagkamatay ni Trasadas habang patuloy pa ang imbestigasyon doon ng mga awtoridad.

"Ang katawan po ng nasawi ay nasa kustodiya po ng Dubai police, ng CID. At habang iniimbestigahan ng CID, inaantay po natin ang final word ng Dubai public prosecution para ma-i-release na 'yung katawan," sabi ni Philippine Consul General Paul Raymund Cortes.

Nagsimula umanong magtrabaho sa Dubai si Trasadas noong 2013 at nagpapalit-palit ng amo dahil umano sa pangmamaltrato.

Nitong Martes, kinumpirma ni DFA spokesperson Elmer Cato ang kasawi ni Trasadas pero hindi pa umano mailalabas ang mga labi ng OFW dahil sa isinasagawang imbestigasyon ng pulisya.

Tiniyak naman niya na masusing nakikipag-ugnayan ang kinatawan ng Pilipinas sa mga awtoridad sa Dubai kaugnay nang sinapit ni Trasadas.

"The Consulate General is in close coordination with authorities to ensure that Angel can be brought home and reunited with her loved ones as soon as authorities conclude their investigation," anang opisyal.

Mayroong dalawang anak na edad na walo at labing-isa na naulila dahil sa pagpanaw ni Trasadas.

Patuloy naman na umaapela ang kaanak ng OFW na tulungan silang maiuwi sa Pilipinas ang kaniyang mga labi.-- FRJ, GMA News