Kinamatayan na ng isang stranded Filipino worker sa Saudi Arabia ang hinihintay niyang sahod at mga benepisyo na hindi umano ibinibigay ng kaniyang pinagtrabahuhang kompanya.

Kuwento ni Lennylene Rancap Ongkiatco, anak ng pumanaw na OFW na si Larry Rancap, sumakabilang-buhay ang kaniyang ama kamakailan sa ospital dahil sa lung cancer.

Pumanaw umano ang kaniyang ama nang walang natanggap na suporta sa pinagtrabahuhang kompanya sa loob ng maraming taon.

"Yung buhay po niya mas nagsilbi po siya sa kumpanyang iyon na ganon katagal, marami pong pangyayari sa buhay namin na wala ho ang tatay ko tulad ng birthday, graduation. Lahat ho iyon tiniis ng tatay ko," saad ni Lennylene sa GMA News.

Nagtrabaho umano si Larry sa kompanya bilang auto diesel mechanic sa loob ng 25 taon.

Sabi ni Lennylene,  dalawang taon na sahod ang hindi naibigay ng kompanya sa kaniyang ama at ang end-of-contract benefits.

"Sabi po ng kompanya wala daw po silang pera, kaya sobrang sakit po sa aming pamilya na pinabayaan po ang tatay ko," ani Lennylene. "Talagang hindi po siya inasikaso. Pinabayaan siyang mamatay."

Ayon pa kay Lennylene, maging ang mga dating nakatrabaho ng kaniyang ama ay umapela sa kompanya na tulungan siya.

Sabi ni Lennylene, isa lang ang kaniyang ama sa 42 na OFWs na isang taon nang hindi makaalis sa KSA dahil hindi nila natatanggap ang kanilang sahod.

May kinatawan naman umano mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang nakipag-ugnayan sa pamilya ni Larry sa Batangas para ipaalam sa kanila ang mga benepisyo at tulong na matatanggap nila sa gobyerno ng Pilipinas.

Sinabi ni Lennylene na may ginagawa na rin umanong paraan para maiuwi na sa Pilipinas ang mga labi ng kaniyang ama.—Ronaldo Concha/FRJ, GMA News