Kabilang ang pamilya ng isang Pinoy sa mga naipit sa nangyaring pamamaril sa loob ng isang shopping center sa Las Vegas na nangyari nitong weekend.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing mismong ang isa sa mga security guard ng establisimyento ang bigla na lang namaril sa loob.

Sa video mula kay Ryan Alegre, makikita ang pamilya ng Pinoy na nakadapang nagtago sa ilalim ng mga tindang damit habang nagaganap ang insidente.

Batay sa mga awtoridad, nangyari ang pamamaril matapos nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang suspek na guwardiya sa namamahala sa tindahan.

Nabaril ng mga rumespondeng awtoridad ang suspek at isinugod sa ospital.

Wala nang iba pang nasaktan sa naturang insidente.— FRJ, GMA News