Nakabalik na sa Pilipinas nitong Huwebes ng umaga ang 100 overseas Filipino workers na mula sa Dubai na nabigyan ng amnestiya ng pamahalaan ng United Arab Emirates.

Ayon sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas," kabilang sa mga nakabalik ng bansa ang isang OFW na anim na taon umanong nagtago dahil hindi na niya na-renew ang kaniyang mga papeles.

Tumakas daw noon ang OFW sa kaniyang dating amo dahil sa minamaltrato siya.

Sinagot ng Department of Foreign Affairs ang mga gastusin ng mga OFW para makauwi.

Sinimulan ng UAE ang pagbibigay ng amnestiya sa mga dayuhan sa kanilang bansa na walang dokumento nitong Agosto 1 at magtatagal hanggang sa Oktubre 31.

Hinihikayat ng DFA ang mga OFW na ilegal na namamalagi sa UAE na samantalahin ang programa at makipag-ugnayan sa embahada at konsulado ng Pilipinas.

Gayunman, hindi kasama sa amnestiya ang mga OFW na may kinakaharap na ibang kaso maliban sa overstaying at walang sapat na dokumento.—FRJ, GMA News