Nakikipag-ugnayan ngayon ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga awtoridad sa Jeddah, Saudi Arabia matapos na makita ang bangkay ng isang Filipina household service worker sa isang hotel doon.

Ayon kay Assistant Secretary Elmer Cato of the Office of Public Diplomacy-DFA Home Office in Manila, nalaman lang ng Philippine Consulate General sa Jeddah ang pangyayari nitong Sabado mula sa Filipino community.

“We are saddened to learn about the passing under still unknown circumstances of one of our kababayan,” sabi ni Consul General Edgar Badajos.

Hindi pa inihayag ang pangalan ng OFW habang hindi pa nasasabihan ang kaniyang mga kaanak kaugnay sa nangyari.

Gayunman, sinasabing 52-anyos na ang OFW at una umanong dumating sa KSA noong 2007 para magtrabaho.— FRJ, GMA News