Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Lunes na hindi totoo ang nag-viral na video tungkol sa isang OFW sa Bahrain na umano'y sinasaktan ng amo pati na sa pribadong bahagi ng kaniyang katawan.

Dahil dito, nanawagan ang DFA sa publiko na suriin munang mabuti ang mga video na napapanood sa social media at huwag nang ikalat kung hindi naman totoo.

"While we appreciate the concern extended by our kababayan abroad about this particular case, we should also be careful about posting something of this kind on social media without first checking its veracity," sabi sa pahayag ni DFA Undersecretary for Migrant Workers Affairs Sarah Lou Arriola.

Ayon kay Ambassador to Manama Alfonso Ver, kaagad na iniutos ni DFA Secretary Alan Peter Cayetano na hanapin ang babae sa naturang video para alamin kung totoo ang nangyaring pagmamalupit na kaniyang naranasan.

Natuklasan na nasa Pilipinas na ang babae nang kumalat sa social media ang video.

Nang ipasuri sa doktor sa Pilipinas ang OFW, lumitaw na had "no indications whatsoever of genital mutilation," ayon kay Ver.

Gayunman, lumitaw sa pagsusuri sa babae na nakaranas siya ng pagmamalupit sa amo at post traumatic stress disorder, sabi pa ng opisyal.

Dagdag pa ni Ver, napag-alaman din na hindi binabayaran nang sapat ang OFW dahil BD90.00 lang ang kaniyang buwanang sahod na natatanggap sa halip na BD150.00.

Nakipag-ugnayan na umano ang embahada sa Labor Market Regulatory Authority at nangakong tutulong sila pag-iimbestiga para matulungan ang OFW.

Sabi naman ni Arriola na maaaring maapektuhan ng mga hindi totoong social media post ang relasyon ng Pilipinas sa mga bansang kinaroroonan ng OFW.

"We have to protect the interests of our kababayan victim and at the same time make sure we do not unnecessarily strain our relations with the host state," paliwanag niya.

Partikular niyang tinukoy ang mga bansa sa Middle East na labis umanong mahigpit ang batas tungkol sa mga mapanirang pahayag.

"Every complaint is taken seriously and is investigated. It does not need to go viral in social media," dagdag ni Arriola.

Patuloy naman umanong tutulungan ng DFA ang OFW sa mga pangangailangan niyang medikal dahil nakaratay pa rin ito sa ospital.

Magkakaloob din ng pinansiyal na tulong ang Office of Migrant Workers Affairs ng DFA sa pamilya ng OFW. -- FRJ, GMA News