May "person of interest" na umano ang mga awtoridad sa Jeddah, Saudi Arabia kaugnay sa pagkamatay ng isang Pinay na nakita ang bangkay sa isang hotel.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Lunes, sinabing natukoy ang "person of interest" sa tulong umano ng mga nakalap na CCTV footage.

Hindi muna inihayag ang pangalan ng naturang "person of interest" pero hindi umano ito Filipino.

Bago nakita ang bangkay ng 52-anyos na biktimang OFW na hindi pa pinapangalanan, tatlong araw muna siyang nawala.

"We don't have any information yet on how it looked like when it was found. Ang alam lang natin ay du'n sa initial report ng pulis, unknown pa rin yung cause of death," sabi ni Consul General Edgar Badajos.

Nakipag-ugnayan na ang konsulado ng Pilipinas sa mga kaanak ng biktima sa Sarangani.

Sinasabing taong 2007 pa raw nasa Jeddah ang biktima para magtrabaho sa isang salon.

"We are meeting with her fellow workers tomorrow sa consulate. Pinapunta ko sila dapat at matanong din natin kasi 'yung mga iniwan niyang gamit sa kaniyang kuwarto raw. So we want to protect the property," saad pa ng opisyal.-- FRJ, GMA News