Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na tutulungan nila ang mga overseas Filipino worker na hindi pa rin nakakaalis ng bansa at nananatili sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa nangyaring aberya sa paliparan noong nakaraang linggo.



Sa ulat ng GMA News TV nitong Martes, sinabi ni DOLE Undersecretary Joel Maglunsod na nakikipag-ugnayan sila sa mga opisyal ng POEA para talakayin ang mga pangangailangan ng mga OFW.

Una rito, nagpahayag ng pangamba ang ilang OFWs na baka mawalan sila ng trabaho dahil hindi sila nakabalik sa kani-kanilang amo sa takdang araw ng kanilang pagbabalik dahil sa nangyaring aberya sa NAIA dahil sa pagsadsad ng Xiamen Air.

Marami rin sa mga stranded OFW ang hindi nakakakain nang maayos dahil sa kakulangan sa pera dahil mahal ang mga bilihin sa airport.

Kailangan din silang sumama sa napakahabang pila para makapag-rebook ng kanilang paglipad.



Nitong Lunes, sinabi ni Senador Cynthia Villar na dapat kumilos ang kinauukulang ahensiya ng pamahalaan para matulungan ang mga naiipit na OFW sa NAIA.

“I think it’s the problem of our government dealing with OFWs, dalawa lang iyan DFA at DOLE. They have to act to make sure (there won’t be any problem). I think it’s for our government, DFA and DOLE to help them,” anang senador.

Umaasa din ang senadora na mauunawaan ng mga amo ng mga OFW ang kanilang naging sitwasyon.

“I’m sure iyong mga employer they will understand nasira iyong airport paano naman makakarating sa kanila? Masyado namang short-sighted iyong one or two days lang na-delay mawawalan na ng trabaho,” sabi niya.--Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA News