Dalawang Pinay ang nasugatan, habang 41 ang nasagip sa pananalasa ng bagyong Mangkhut (Ompong) sa Hong Kong. Ang isa sa mga biktima, kinailangang operahan.

Sa ulat ng GMA news TV "QRT" nitong Lunes, sinabi umano ni Antonio Morales, Consul General ng Pilipinas sa Hong Kong, tinamaan ng debris ang dalawang Pinay sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo.

Kinailangan umanong sumailalim sa leg surgery ang isa sa mga biktima dahil sa tinamong sugat.

Sinagip naman ang 36 na miyembro ng Filipino group tour na na-stranded sa loob ng bus na patungong airport nang mabasag nang malakas na hangin ang windshield ng kanilang sasakyan.

Samantalang limang OFWs naman ang nasagip sa isang resort.

Patuloy umanong sinusubaybayan ng Department of Foreign Affairs ang sitwasyon sa Hong Kong at ang kalagayan ng mga OFW at mga turistang Pinoy na nandoon.

Kabilang ang Hong Kong at Macau sa mga nalubog sa baha dahil sa pananalasa ni Mangkhut, na unang nanalasa sa Pilipinas sa pangalang "Ompong" kung saan nasa 50 katao ang nasawi.

Dumaan din sa China ang bagyo at iniulat na may dalawang nasawi sa Guangdong. —FRJ, GMA News