Inimbitahan sa "The Ellen DeGeneres Show" ang dalawang estudyante na nag-viral ang video kamakailan dahil sa paglalagay ng fake poster nila sa isang kilalang fastfood chain sa Amerika, at may inihanda sa kanilang sorpresa.

Pero bukod sa nakuha nina Jevh Maravilla at Christian Toledo ng University of Houston ang atensyon ng naturang sikat na TV show, kinuha pa ng fastfood chain ang kanilang serbisyo para sa marketing campaign.

 

 

Una rito, ikinuwento nina Maravilla at Toledo sa kanilang viral video na naisipan nila na palihim na ilagay ang kanilang ginawang poster sa fastfood chain dahil wala siyang nakitang Asyano sa mga poster sa loob ng kainan.

READ: 2 estudyante, gumawa ng sarili nilang poster at inilagay sa isang kilalang fastfood resto

Sa nakaraang panayam, sinabi ni Maravilla, 21-anyos, na umaasa siya na ang ginawa nila ni Toledo ay magbubukas ng pananaw ng lahat ng malalaking kompanya para sa pagkapantay-pantay na pagtingin sa iba't ibang lahi.

Aminado si Degeneres,  na nakuha ng dalawang estudyante ang kaniyang atensyon dahil siya man ay mahilig gumawa ng "prank."

Sabi ng magkaibigan, naging inspirasyon nila ang pelikulang "Crazy Rich Asians" at gumawa sila ng kanilang bersyon ng "Crazy Middle Class Asians."

Si Degeneres din ang nagbalita kina Maravilla at Toledo na kinuha ng fastfood chain ang kanilang serbisyo para sa marketing campaign at ipinakita ang kanilang tseke.— FRJ, GMA News