Humihingi ng tulong sa GMA News ang isang migrant group upang ma-rescue mula sa bahay na kaniyang pinagtatrabahuan ang isang Pinay maid na umano'y tatlong beses nang hinalay ng kaniyang amo.

Sa ekslusibong panayam ng GMA News kay Sheilah (hindi tunay na pangalan), umiiyak na humihingi ito ng tulong na maialis siya sa bahay ng amo.

“Tulungan nyo po ako maka alis dito, tatlong beses po ako (na hinalay ng amo ko). Nung una ay August. Yung pangalawa po nung September 3 at yung pangatlo ay September 11 po,” pagmamakaawa ni Sheilah, 28-anyos.

Kuwento ni Sheilah (isang Bicolana) ginagawa daw ng kaniyang amo ang panghahalay sa kaniya sa kusina na wala raw nakakabit na CCTV, at ginagawa ito ng amo sa pagitan ng alas-diyes y media at alas-onse ng umaga habang wala daw ang kaniyang among babae.

Gustuhin man daw niya makatakas ay hindi niya magawa dahil nakakandado ang mga pintuan ng kanilang bahay. Kung isama man siya sa pamamasyal ng kaniyang mga amo, hindi naman daw niya alam kung saan siya pupunta kung tatakas dahil wala siyang kakilala sa Qatar.

Hindi rin daw niya magawang manlaban sa amo niya dahil sa napakalaking tao nito at takot siya na baka baliktarin pa siya sakaling manlaban siya.

”Ayaw ko naman po gumawa ng eksena dahil kung masaktan niya ako, magtatanong ang babae ayoko po na bintangan nila ako na kaya ako sinaktan ay dahil nanguha ako ng gamit, o pagbintangan ako na sinaktan ko ang bata.  Ayaw ko ng ganun kasi iniisip ko ang mga anak ko naging kalmado lang po ako...saka ang nanay ko ang iniisip ko, matanda na ang nanay ko hindi pwedeng manlaban ako,” umiiyak na pahayag ni Sheilah.

Sa tulong daw ng social media, nakahingi siya ng tulong sa GMA News at sa tulong na rin ng Ang Kaagapay ng Bawat OFW Migrant Rights Advocates. 

Panawagan ni Sheilah sa mga nagbabalak pang magtrabaho bilang kasambahay na lakasan ang loob at kung sakali man daw na may mangyari sa kanila ay ipakita nila kalmado lang sila at huwag padadala sa takot.

Agad naman naipaalam ng Ang Kaagapay ng Bawat OFW kay OWWA Administrator Hans Cacdac ang problema ni Sheilah kung saan kinuha nito ang detalye ng nasabing kasambahay para agad na matulungan. —LBG, GMA News