Matapos magpagaling, nakauwi na sa bansa mula sa Saudi Arabia ang isang OFW na malubhang nasaktan nang mahulog sa gusali nang tumakas sa kaniyang amo. Ang OFW na isang domestic helper, na homesick umano.

Ayon kay Mary Anne Hipe, the OFW's case officer ng Assistance to National (ATN) ng Philippine Consulate General sa Jeddah, nahulog mula sa ika-apat na palapag ng tinutuluyan ng kaniyang amo ang OFW na itinago sa pangalang "Edith" noong Mayo.

Gumamit umano ng lubid si Edith sa pagtakas pero napatid ang tali na dahilan ng kaniyang pagkakahulog. Nadala naman siya sa ospital at doon na nalaman ng ATN ang kaniyang kalagayan at kaagad siyang tinulungan.

"Naho-homesick daw po siya sa kaniyang pamilya kaya siya tumakas nang amin na siyang nakausap sa hospital," ayon kay Hipe.

Napag-alaman na Marso 2018 nang dumating sa KSA si Edith.

Sinabi naman ni Consul General Edgar Badajos na ang kaso ni Edith ay isa sa mga halimbawa ng mga OFW na gustong umuwi dahil sa pangungulila sa kanilang pamilya".

"Siya yung classic example ng HSW (household service worker) na nag-decide umuwi dahil ayon sa kaniya na-homesick daw siya at nawalan ng interest magtrabaho," sabi ni Badajos.

Kaya paalala niya sa mga nais magtrabaho sa ibang bansa lalo na ang mga magiging kasambahay, dapat nilang pag-isiping mabuti ang kaniyang desisyon.

Ayon kay Hipe, inayos ang kaso at mga dokumento ni Edith para makauwi ng Pilipinas habang nagpapagaling siya sa ospital dahil sa pinsalang tinamo dahil sa pagkakahulog.

Sa tulong ng ATN at welfare officer na si Yolanda Penaranda ng Overseas Workers Welfare Administration, nakauwi na ng Pilipinas si Edith noong nakaraang linggo.-- Ronaldo Concha/FRJ, GMA News