Labis na nangangamba ang isang ina sa kaligtasan ng kaniyang 28-anyos na anak na nagtatrabahong kasambahay sa Saudi Arabia matapos umanong magsumbong at humingi ng saklolo dahil sinasaktan siya ng kaniyang amo.

Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabi ni Alice dela Torre, residente ng Barangay Pantal ng Dagupan City, Pangasinan, na tumawag umano sa kaniya ang anak na Arlene para humingi ng tulong.

Napag-alaman na nito lang nakaraang Pebrero nagtungo sa Riyadh si Arlene para mamasukan bilang kasambahay. Sa simula, maayos daw ang kalagayan ng kaniyang anak at regular na nakapagpapadala ng pera buwan-buwan.

Pero nitong nakaraang Miyerkules, tumawag umano si Arlene sa ina para humingi ng saklolo.

"Iyak nang iyak 'yon. Tapos nawalan naman ng signal, 'maawa kayo sa'kin, pauwiin niyo na ako,' sabi niya," kuwento ng ginang sa sinabi umano ng anak.

Bukod sa pananakit, ikinukulong at hindi rin umano pinakakain si Arlene ng kaniyang amo.

Sa ipinadalang litrato ng anak sa mga kaibigan nito, makikita ang kalagayan ni Arlene na namamaga ang mukha dahil umano sa pananakit ng amo.

"Siyempre masakit din kasi anak ko 'yon. Siya lang nakakatulong sa akin. Kaya magdamag, hindi ako nakakain sa pag-aalala sa kaniya," ayon kay Aling Alice.

Ayon sa mga kaanak ni Arlene, dumulog na sila sa Public Employment and Services Office o PESO, at kaagad ding nakipag-ugnayan ang Dagupan-PESO sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno tula ng Overseas Workers Welfare Administration.

Sinabi naman ni Dagupan City Mayor Belen Fernandez, na kaagad nilang inaaksyuhan sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan kapag may humihingi sa kanila ng tulong na OFW na namomonitor sa mga social media.

Tiniyak ng PESO at ng lokal na pamahalaan na tututukan nila ang kaso ni Arlene at handa umano ang siyudad na akuin ang gastusin sa pagpapauwi sa kaniya. --FRJ, GMA News