Hindi napigilan ng isang OFW na nagsilbing kasambahay sa Kuwait na maiyak habang ikinukuwento ang naranasang pagmamalupit sa kamay ng amo niyang babae.

"Walang kain 'dun sa kuwarto, walang tubig. Kahapon pag-uwi ko pa...grabe...inano 'yung buhok ko at t'saka dinuraan 'yung mukha ko,” saad ni Ruby Caduyag sa ulat ni Marisol Abduraman sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes

Dagdag pa niya, nagalit rin ang kaniyang amo dahil hindi niya naintindihan ang utos nito sa salitang Arabo.

"Andami niyang sinabi sa akin. Grabe 'yung takot ko nanginginig ako doon. Pinalo [ako] ng upuan na plastic doon sa kuwarto. Kung hindi dumating 'yung anak, baka sobra pa dito 'yung ginawa,” ani Caduyag.

Mabuti na lamang at tinulungan si Caduyag ng anak ng kaniyang amo na makauwi sa Pilipinas matapos ang isang taon at dalawang buwan na pagtatrabaho sa Kuwait.

Dinala na ng mga awtoridad si Caduyag sa Overseas Worker Welfare Administration si Caduyag para mabigyan ng tulong.

Noong Pebrero, sinuspindi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang deployment ng mga kasambahay sa Kuwait dahil sa pang-aabuso ng mga employer. Pero inalis din ang ban noong Mayo pagkatapos pumirma ang Pilipinas at Kuwait ng memorandum of agreement na magbibigay proteksiyon sa mga OFW sa doon.  -- Llanesca T. Panti/FRJ, GMA News