Pinabulaanan ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Huwebes ang ulat na may panibagong Pinoy na sinentensiyahan ng kamatayan sa Indonesia dahil sa pagpupuslit ng droga.

"No Filipino has been sentenced to death in Semarang, Indonesia," sabi ng DFA sa pahayag.

Batay sa ulat ng Philippine Embassy sa Jakarta, sinabi ng DFA na tanging si Mary Jane Veloso pa lang ang nahatulan ng kamatayan sa Indonesia.

Patuloy na nakabinbin ang pagpapatupad ng parusa kay Veloso na nakadetine ngayon sa Yogyakarta, at hindi sa Semarang.

"There is a Filipino in prison in Semarang but she is serving a life sentence for illegal drugs-related crimes," ayon sa DFA.

Apat na taon nang nakapiit si Veloso sa Indonesia matapos na maaresto noong 2010 matapos na mahulihan ng 2.6 kilograms ng heroin.

Iginiit ni Veloso na inutusan lang siya ng kaniyang recruiter na Pinoy na dalhin sa Indonesia ang bagahe pero hindi umano niya alam ang laman nito.

Nakasalang na firing squad si Veloso noong 2015 pero hindi ito natuloy dahil sa pakiusap ni Pangulong Benigno Aquino III.

Umaasa ang pamahalaan ng Pilipinas na irerekonsidera ng Indonesia ang hatol kay Veloso sa mas mababang parusa kapag natapos na ang isinampa niyang kaso sa kaniyang recruiter na dinidinig sa bansa. — FRJ, GMA News