Nasa 1,470 overseas Filipino workers (OFWs) ang pauuwiin at bibigyan ng tulong mula sa Al Khobar, Saudi Arabia matapos silang maalis sa trabaho dahil sa lockout na nangyari sa kanilang construction company, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Martes.

Sa isang pahayag, sinabi ng DOLE na nakatanggap ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng ulat na nag-alis ng mga empleyado ang Azmeel Contracting Corporation matapos na i-freeze ng gobyerno ng Saudi ang mga ari-arian nito.

Nabigo rin umano ang kompanya na bayaran ang mga empleyado nito ng kanilang apat na buwang sahod, na nagresulta sa pagprotesta ng mga manggagawa.

Lumipad nitong Lunes sa Al Khobar sina Labor Secretary Silvestre Bello III, OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, at mga opisyal mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Foreign Affairs (DFA), at Department of Health (DOH) upang matulungan ang mga OFW.

Sinabi ni Bello na nasa $50,000 na ang tulong pinansyal na naipadala sa mga apektadong manggagawa.

Idinagdag ng opisyal na makikipag-ugnayan siya sa mga opisyal ng Ministry of Labor ng Kingdom of Saudi Arabia tungkol sa pagpapauwi sa mga OFW, at mabayaran ang kanilang back wages.

"I will talk with the Minister of Labor of Saudi Arabia on the repatriation of our OFWs and the request for the Saudi government’s assistance to look for jobs elsewhere, as well as legal assistance to collect their monetary claims from their employer," sabi ni Bello.

Umaasa rin si Bello na papayagan ng Ministry of Labor ang mga Pilipinong gustong magpatuloy na magtrabaho sa Saudi Arabia na lumipat sa iba pang mga kompanya. Napag-alaman sa mga ulat na hindi sila sumali sa protesta na sinimulan ng iba pang dayuhang manggagawa.

Makatatanggap ng counseling at debriefing mula sa OWWA at DSWD ang mga papauwiing OFWs bago sila makarating sa Pilipinas. Samantalang magbibigay ng relief at medical assistance ang mga miyembro ng DOH.

"I am hoping that those who will be repatriated will be able to join their families this coming holiday season. OWWA, the Bureau of Local Employment and the Bureau of Workers with Special Concerns will provide livelihood assistance for them upon their return," saad ni Bello.-- FRJ, GMA News