Nasa 150 OFWs ang nagtungo sa Philippine labor office sa Al Khobar, Saudi Arabia nitong Martes upang humingi ng tulong na makuha ang kanilang mga hindi nabayarang sahod ng pinagtrabahuhan nilang kumpanya.

Ayon sa mga OFW, tatlo hanggang anim na buwan ang sahod na hindi nila nakuha mula sa Azmeel Contracting Company kaya dumulog na sila sa Philippine Overseas labor Office (POLO).

Sabi pa ng mga OFW, napaso na rin at hindi na nila nagawang maipa-renew ang kanilang residence permit o iqama.

Si Jerald Caronan na isa sa mga apektadong OFW, sinabi sa GMA News na limang buwan ang hindi niya natanggap na sahod bilang pintor sa Azmeel na nakabase sa Jubai.

Hindi rin umano umuusad ang labor complaint na inihain nila laban sa kompanya kaya lumapit na sila sa POLO-Al Khobar.

"Gusto na po namin lahat umuwi ng Pilipinas at makuha mga sahod namin sir, nagugutom na kami pati ang pamilya namin," sabi ni Caronan.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Martes, sinabing ang OFW na si Kamaloden Kazzan, anim na buwan na hindi nakatanggap ng sahod.

Dahil dito, hindi siya makapagpadala ng perang pampagamot sa kaniyang siyam na taong gulang na anak na may sakit at tuluyang pumanaw nitong Hulyo.

Si Gil Aquino naman, sinabing nangungutang na lang sa mga kamag-anak para mabuhay ang kaniyang pamilya.

Nakipag-ugnayan na ang Philippine Embassy at POLO sa pamunuan ng Azmeel para pag-usapan ang hinaing ng mga OFW.

Lumipad na patungong Saudi Arabia sina Labor Secretary Silvestre Bello III, OWWA Administrator Hans Cacdac, at iba pang opisyal ng Department of Social Welfare and Development, at Department of Foreign, para personal na tugunan ang problema ng mga OFW.

Sa isang pahayag na ipinalabas ng DOLE, sinabing umabot sa 1,470 OFWs ang apektado ng problema ng kompanyang Azmeel.

Umaasa si Bello na bukod sa maibibigay ang mga hindi nabayarang sahod ng mga OFW, maihahanap ng ibang mapapasukan ang mga OFW na nanaisin na manatili sa KSA.

Samantala, tutulungan naman ng pamahalaan na makauwi ng bansa ang mga OFW na magpapasyang bumalik na sa Pilipinas.— FRJ, GMA News