Tiniyak ng pinuno ng Overseas Workers Welfare Administration na pananagutin nila ang mga recruitment agency na nagpadala ng mga menor de edad na OFWs sa Saudi Arabia.

"Ayon sa batas, 'pag nag-deploy ang Philippine recruitment agency ng menor de edad ay automatic cancelation. Puwedeng habulin sa pagparusa dun sa ahensya, at pangalawa ay ang paghabol nung dapat bayaran doon sa worker," sabi ni ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac sa panayam ng GMA News.

READ: PHL labor officials come to the assistance of 6 underage OFWs

Nagtungo sa Alkhobar, Saudi Arabia si Cacdac para tulungan ang mahigit 1,000 OFWs na na nawalan ng trabaho sa Azmeel contracting company, at hindi nakuha ang ilang buwan na sahod.

Dumaan din ang opisyal sa Jeddah para puntahan at personal na makausap ang mga kabataang OFWs na minaltrato umano ng kani-kanilang amo.

Sinabi ni Cacdac na idudulog nila sa Saudi Labor Office ang kaso ng mga menor de edad na OFWs.

Kabilang umano sa kanilang tatalakayin sa gaganaping Philippine-Saudi Talks Joint Committee meeting, ang mga usapin kung papaano pa mapapahusay ang pagtulong sa mga OFW na naging biktima ng pang-aabuso at pagmamaltrato.

Inihayag din ng opisyal na kikilos sila kaugnay sa nangyayaring pamemeke ng edad sa pasaporte para makalabas ng bansa ang mga menor de edad. Bukod pa rito ang pagpapaigting din ng information campaign laban sa pagkuha ng mga menor de edad para gawing OFW. --FRJ, GMA News