Mangangailangan umano ang Israel ng 5,000 hotel workers at nais ng naturang bansa na mga Pinoy ang kunin, ayon sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras Weekend."


Bagaman wala pang job order at guidelines para sa naturang mga trabaho, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III, na aayusin na ito sa Nobyembre.

"The pay is always very good. You know naman that our caregivers are receiving $1,350 to $2,000 a month," sabi ng kalihim, sabay dagdag na hindi rin ito malalayo sa sahod ng mga hotel worker.

Kabilang sa mga kailangan bilang requirements sa pag-apply sa naturang uri trabaho sa hotel and restaurant industry ang pagkakaroon ng TESDA certificates.

Ang mga nag-e-enrol sa TESDA ay dumaan sa matinding training sa hotel and restaurant management service mula sa pagtanggap ng guest, tamang pagbati, at iba pa.

Kabilang sa mga interesado na makapag-abroad ang HRM Tesda student si Gerson Hernandez,  na umaasa sa malaking sahod  para umano makapag-ipon.

Maliban sa Israel, sinabi ng DOLE na bukas din ang Germany at Japan na kumuha pa ng maraming Pilipinong manggagawa.

Katunayan, sa kaniyang talumpati sa 44th Philippine Business Conference, sinabi ni Japanese Ambassador Koji Haneda, inaasahang maraming skilled foreign workers, kabilang ang mga  Pinoy, ang kanilang kukunin sa susunod na taon kapag naayos na ang binubuo nilang residency status sa Japan.

Abangan lang umano ang mga karagdagang abiso mula sa DOLE at POEA para hindi mabiktima ng mga illegal recruiter.-- FRJ, GMA News