Galit na galit ang isang overseas Filipino worker (OFW) na kakauwi lang ng bansa mula sa Hong Kong nang makaharap niya ang babaeng tumangay sa pinaghirapan niyang pera na aabot sa P300,000.

Sa ulat ni Jamie Santos sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, sampal, sipa at sabunot ang inabot ng suspek na si Juvy Zamora mula sa kaniyang nabiktimang si Germelie Martin.

Napag-alaman na nilapitan ni Zamora si Martin nang dumating ang huli sa terminal 3 nang Ninoy Aquino International Aiport mula sa Hong Kong.

Nagpakilala umano ang suspek na galing naman sa Singapore hanggang sa makuha nito ang loob ng biktima at nahikayat na mag-withdraw ng P300,000.

Nang makakuha ng pera si Martin, sinabihan umano ng suspek ang biktima na magpalit ng damit at ipinaiwan sa kaniya ang bag.

Pero matapos magpalit ng damit sa palikuran ang biktima, wala na ang suspek at tangay ang kaniyang bag at pera.

"Magpapalit daw ako ng damit kasi galing daw akong abroad. Alam mo na, maraming sakit-sakit na dumidikit-dikit. 'Yun pala isa siyang malaking sakit," galit na sabi ng biktima.

Matapos makapagsumbong ang biktima, kaagad nagsagawa ng follow up operation ang airport police at nadakip ang suspek sa bahay nito sa Bulacan.

"Last April 2012 nu'ng una siyang nahuli na ang ginawa niya same modus operandi," sabi ni Sr. Insp. nemencio Bawalan, airport police.

Humingi ng paumanhin ang suspek at nagastos na raw niya ang pera ng biktima para sa grocery at pambayad sa utang.

"Hintayin ko na lang po kung ano 'yung ano po ng court. Nandu'n naman na po 'yung kaso," sabi ng suspek.

Nabawi naman ang bag ng biktima pero P65,000 na lang ang laman.

Nakuha rin sa suspek ang ilang alahas na posibleng ninakaw din sa mga nabiktimang OFW.

Nahaharap ang suspek sa mga reklamong theft, disobedience and resisting arrest.-- FRJ, GMA News