Hindi man naging maganda ang kapalaran nila sa pakikipagsalaparan sa ibang bansa, ligtas pa rin namang nakauwi ng Pilipinas para sa nalalapit na kapaskulan ang 56 na nagipit na OFWs sa Saudi Arabia at 15 marinong Pinoy na inabandona ng kanilang employer sa India.

Linggo nitong umaga nang dumating sa Ninoy Aquino International Airport mula sa Al Khobar ang 56 OFWs, at sinalubong sila ng mga opisyal ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Ayon sa OWWA, tutulungan ang mga dumating na OFWs para makauwi sa kani-kanilang bayan at nang makasama na ang kanilang mga mahal sa buhay.

Ang mga umuwing OFW ay bahagi ng nasa mahigit 1,000 OFWs na naapektuhan ang trabaho nang magsara ang kanilang pinagtatrabahuhang Azmeel Contracting Corporation.

Nauna nang nangako ang pamahalaan ng Pilipinas sa pangunguna ni Labor Secretary Silvestre Bello III, na tutulungan ang mga OFW na ihanap ng ibang trabaho o iuwi sa bansa ang mga nais nang umuwi bago sumapit ang Pasko.

Nangako rin umano ang KSA na makikipagtulungan para makauwi ang mga OFW at makuha ang mga sahod na hindi nila natanggap.

Samantala, nitong Sabado naman dumating sa Pilipinas ang 15 sa 21 marino na inabandona sa Kakinada Port sa India ng kanilang Greek employer mula pa noong Hunyo.

Sa isang pahayag ng Department of Foreign Affairs, sinabi ni Ambassador to India Ma. Teresita Daza na kaagad ding makauuwi ang natitirang anim na tripulante ng MV Evangelia M kapag naayos na kanilang mga exit clearance.

"The Embassy in New Delhi and the Consulate General in Chennai worked closely with Indian port authorities and the Admiral Shipping Agency, the local agent in India, for the resolution of the case," pagtiyak ng DFA.

Nakikipag-ugnayan din umano ang DFA sa local manning agency na Evic Human Resource Management Inc. para sa hindi natanggap na sahod ng mga marino.--FRJ, GMA News