Hinikayat ang mga Pinoy sa Kuwait na paso na ang visa na samantalahin ang visa amnesty program na ipinatutupad ng pamahalaan ng nasabing bansa sa Gitnang Silangan.

"This amnesty initiative by the Kuwait Ministry of Interior is a commendable step towards resolving the issues faced by our 'kababayans' whose visas have already expired," sabi ni Kabayan party-list Representative Ron Salo sa isang pahayag nitong Lunes.

Sa nasabing programa na sinimulan nitong Marso 17 at magtatapos sa June 17, bibigyan ng pagkakataon ang mga dayuhan sa Kuwait na paso na ang visa na ayusin ang naturang dokumento sa pamamagitan ng pagbabayad lang ng multa.

Ang mga OFW hindi na nais manatili sa Kuwait, maaari namang umuwi na sa Pilipinas nang walang babayarang multa.

Ayon kay Salo, nakikipag-ugnayan ang kaniyang tanggapan sa Department of Migrant Workers (DMW) para tulungan ang mga Pinoy sa Kuwait na nais makinabang sa naturang amnestiya.

"Our priority is to ensure their well-being and provide necessary support during this process," anang kongresista.

Noong Pebrero 2023, nagpatupad ng deployment ban ang Pilipinas sa Kuwait para sa mga first time household service workers kasunod nang nangyaring pagpatay sa 35-anyos na OFW na si Jullebee Ranara.

Pinatawan ang suspek ng 15 taon na pagkakakulong ng Kuwaiti juvenile court, na kinatigan naman ng Kuwaiti appellate court.

Sinabi ni Salo na bibisita siya sa Kuwait sa susunod na buwan pagkatapos ng holy month ng Ramadan, para makipag-ugnayan sa mga opisyal ng Kuwaiti kaugnay ng deployment ban.

"My visit aims to assess the living conditions of Filipinos, aid in the bilateral discussions between our nations and provide insights on lifting the ban," anang mambabatas. — mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News