Limang ang nasawi nang masunog ang isang residential building sa Kowloon district sa Hong Kong. Mahigit 30 naman ang sugatan, kabilang ang isang overseas Filipino worker (OFW).

Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) officer-in-charge Hans Leo Cacdac, minor injuries lang ang tinamo ng OFW, na agad na tinukungan alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa ulat ng Reuters, lima ang nasawi sa sunog na nangyari sa 16-storey residential building, nasa 35 iba pa ang nasugatan o nasaktan.

Nasa 150 katao naman ang inilikas.

Batay umano sa impormasyon mula sa pagamutan, anim sa mga sugatan ang nagtamo ng matinding pinsala, at isa ang kritikal ang kalagayan. — FRJ, GMA Integrated News