Patay na at walang ulo nang matagpuan sa gubat nitong Linggo ang bangkay ng isang lalaki na suspek sa panghahalay at pagpatay sa Ayungon, Negros Oriental.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabing tadtad ng tama ng bala sa katawan ang pugot na bangkay ni Reneboy Emalon.

Ayon sa awtoridad, hindi pa nakikita ang ulo ni Emalon pero nakilala siya ng kaniyang mga kaanak sa pamamagitan ng suot nitong damit.

Idinagdag ng pulisya na suspek si Emalon sa kasong pagpatay at panggagahasa.

Inaalam pa kung may kinalaman ang mga kinakaharap niyang kaso sa pagpatay sa kaniya.

Patuloy din ang imbestigasyon ng pulisya kung sino ang nasa likod ng krimen. --FRJ, GMA News