Nang dahil sa kantang "My Way," patay sa pananaksak ang isang lalaki sa Dipolog City sa lawigan ng Zamboanga del Norte.

Sa ulat ng "Unang Balita" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Jose Bosmion Jr, kapitbahay ng suspek na si Rolando Cañeso.

Sa imbestigasyon ng mga pulis, lumalabas na nakikipag-inuman si Bosmion kasama si Cañeso sa birthday party ng isa pa nilang kapitbahay.

Sa aktong kakanta na sana si Cañeso ng My Way ni Frank Sinatra, inagaw umano ng biktima ang microphone mula sa suspek.

Nauwi sa mainit na pagtatalo ang pang-aagaw ng mikropono, hanggang sa humantong ito sa suntukan.

Naawat umano ang dalawa, pero makalipas ang ilang sandali ay pinagsasaksak na ng suspek ang biktima.

Naisugod pa si Bosmion sa ospital pero binawian din ito ng buhay.

Nagtangkang tumakas ang suspek ngunit sumuko rin ito kalaunan. —LBG, GMA News