Patay ang dalawang lalaki matapos pagbabarilin ng mga suspek na sakay ng motorsiklo sa Tabuk City, Kalinga.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa "Balitanghali" nitong Linggo, kinilala ang mga biktima na sina Silver Calezar Puquin, na dati nang napasama sa Oplan Tokhang, at Dexter Busnig.

Ayon sa mga saksi, narinig nila ang sunod-sunod na putok ng baril at nakita na lamang nilang nakahandusay na ang mga biktima sa daan.

Narekober ang apat na basyo ng caliber .45 sa lugar ng insidente.

Patuloy ang imbestigasyon sa nasabing pamamaril at pinaghahanap na rin ang mga suspek.

Patay din ang 'di pa nakikilalang banyaga sa Sta. Maria, Romblon matapos bumangga ang sinasakyan niyang motorsiklo sa isang malaking bato sa kalsada nitong Sabado ng gabi.

Base sa inisyal na imbestigasyon, maaaring hindi raw napansin ng biktima ang bato dahil madilim ang lugar.

Samantala, sumalpok naman ang isang elf truck sa isang 14-wheeler truck sa Odiongan, Romblon.

Kwento ng isang saksi, bigla raw nag-overtake ang elf truck subalit noong nasa harap na siya, bigla itong nagmenor dahil sa pagdating ng isa pang kasalubong na truck.

Wala namang nasaktan sa insidente. Dinala na rin ang dalawang driver ng truck sa mga awtoridad.

Samantala, nagdulot naman ng matinding trapiko sa Sta. Fe, Nueva Vizcaya ang isang truck ng soft drinks matapos itong madisgrasya sa daan.

Walong oras na tumagal ang trapiko sa lugar dahil sa aksidente, ayon sa ulat. —Anna Felicia Bajo/LBG, GMA News