Isang lalaki ang nabangga ng isang shuttle bus habang tumatawid sa pedestrian lane sa Los Baños, Laguna.

Ayon sa ulat ni Victoria Tulad sa Unang Balita nitong Martes, nakuha sa CCTV ang pagbangga ng isang shuttle bus sa biktimang si Rick Jason Lanceta, 32 anyos.

Nagpalingun-lingon muna si Lanceta bago tumawid sa pedestrian lane at saka diretsong naglakad sa gitna ng kalsada.

Habang nasa pedestrian lane, bigla na lang siyang nabangga ng humaharurot na shuttle bus.

Nakaladkad ng ilang metro ang biktima dahil sa lakas ng impact.

Dead on the spot ang biktima.

Arestado ang suspek na bus driver na 20 taon nang namamasada.

Iginiit ng suspek na hindi niya sinasadya ang nangyari at humingi rin siya ng pasensya sa mga naulila ng biktima.

Ayon sa suspek, "First time lang itong nangyari sa akin."

Nahaharap ang suspek sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.

Ayon sa kapitan ng Barangay Anos na si Budjong Balasoto, pang-apat na raw itong disgrasya sa parehong lugar ngayong taon.

Nanawagan si Balasoto sa mga motorista at sa mga tumatawid na mag-ingat at magbigay respeto.

"Ang mga tao naman ay tumatawid sa tamang tawiran. Ang akin lang para sa mga motorista, igalang po natin ang pedestrian lane. At kahit po nasa tamang tawiran ang mga tao, sa mga tao naman po, kailangan doble ingat pa rin. Kasi marami sa ating motorista, hindi po talaga alam ang road courtesy," aniya.

Nagkabit na ng ilaw sa naturang pedestrian lane ang lokal na pamahalaan upang maiwasan na ang ganitong uri ng disgrasya. — Maia Tria/MDM, GMA News