Isang lalaki sa Valencia, Bohol ang hinuli dahil sa pagpapangap na babae sa social media upang makapang-molestiya ng isang menor de edad na kapwa niya lalaki.

Ayon sa ulat ni Victoria Tulad sa Unang Balita, nagsimula sa pagcha-chat ang pangmomolestiya ng suspek na si Marco "Barbie" Lagarit sa 17-anyos na binatilyo.

Umabot sa puntong nagpalitan na sila ng hubad na larawan at bidyo.

Ginamit naman ito ng suspek upang humingi ng cellphone load sa binatilyo para hindi niya ikalat ang mga larawan at bidyo nito.

Ayon kay Senior Inspector Joseph Lopena, "Yun ang pang-threat niya sa biktima kung hindi siya magpakita o magpagamit. Ikakalat niya yung mga video at tsaka nude pictures sa Internet. Kaya yung victim was used, sexually abused four times already."

Pipilitin pa sana ulit ng suspek na makipagtalik sa biktima ngunit nakahingi na ito ng saklolo sa mga pulis.

Agad naman na nagkasa ang mga pulis ng entrapment operation kung saan nadakip ang suspek.

Nahaharap ngayon ang suspek sa reklamong grave coercion at child abuse.

Sabi ni Lopena, magdadagdag sila ng supplemental affidavit para sa pagsasampa ng hiwalay na kaso ng paglabag sa anti-cybercrime protection law kapag napatunayan na Internet ang naging instrumento sa krimen.

Iginiit ng suspek na hindi niya pinilit ang biktima na makipagtalik sa kanya.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang biktima.

Payo ni Lopena, "Iwasan lang natin magtiwala agad-agad sa mga profile, especially sa Facebook, kasi usually baka fake 'yan. Tsaka hindi tayo magpapadala ng mga hubad natin na mga larawan." —Maia Tria/MDM, GMA News