Apat ang napatay ng mga hindi pa nakikilang suspek na de-motorsiklo sa isang subdivision sa Barangay Manbugan, Antipolo.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa 24 Oras nitong Martes, kinilala ang mga biktima bilang sina Rommel Bedrona, Dave Natalaray, Margaret Dianne Salazar, at Leonard Constantino na may edad na 20 hanggang 30 anyos. Ayon sa imbestigasyon, ang lahat ng nasawi ay mga dati nang na-tokhang.

Mag-a-alas dose ng gabi nitong Lunes nangyari ang pamamaril habang nag-iinuman daw ang mga biktima sa harapan ng isang tindahan.

Ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad, dead on the spot ang dalawang biktima habang dead on arrival ang dalawa nang maitakbo ang mga ito sa ospital.

"Maraming tama eh, iba-iba. 'Yung babae nga, 'yung tama, sa ulo. So actually, parang lumalabas, parang inuna pa nga 'yung babae," ayon kay Police Superintendent Villaflor Bannawagan, hepe ng Antipolo police.

"Mga drug personalities na listed sa kanila and hindi pa nagsu-surrender and, allegedly, still active on drugs," ayon [a kay Bannawagan.

Ayon sa ina ng isang biktima, nagpakilala raw bilang mga pulis ang mga suspek.

"May dumaan na dalawang motor, may angkas 'yon, may apat, sabi daw, 'Wag kayong tumakbo kasi pulis 'to. Ayun, niratratan na nila," sabi ni Meldina Bedrona.

Taga-roon sa lugar ng pamamaril sina Bedrona at Natalaray, habang taga-Cogeo naman sina Salazar at Constantino.

Wala pang kumpirmasyon kung mga pulis ang mga namaril.

Naghahanap pa raw ng mga testigo at mga kuha ng CCTV ang mga awtoridad sa pag-asang makilala ang mga gunmen.

Hustisya naman ang hanap ng mga kamag-anak ng mga nasawing biktima.

"Sana mabigyan naman ng katarungan 'yung anak ko. Mahuli na 'yung nagbaril," sabi ni Meldina.

"Hindi ba pwedeng hulihin muna kung mayroon mang kaugnayan sa mga ganiyan? Hindi 'yung babarilin kaagad nila?" tanong niya.

Giit pa nito: "Hindi naman nagsabi si Presidente [Rodrigo] Duterte na patayin kaagad 'yung tao eh. 'Di ba binigyan ng, ano, na hulihin sila? Hindi 'yung patayin nila parang aso nalang 'yung tao?" —Margaret Claire Layug/JST, GMA News