Patay sa pamamaril ang isang jeepney driver sa Bago City sa Negros Occidental nang dahil sa "pagseselos" umano ng suspek.

Sa ulat ng "Unang Balita" nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Marlon Sixto, 36; at ng suspek na si Frank Alvarez Sr, 46.

Sa paunang imbestigasyon ng mga pulis, napag-alamang sinundan umano ng biktima ang nililigawan niyang babae.

Hindi alam ng babae na sinusundan pala siya at sumabay sa pagbaba ng babae sa jeep ang biktima.

Pinigilan umano ng biktima na tumawid ang nililigawang babae at pinilit umano itong isama sa Bacolod City.

Sa aktong iyon, biglang dumating ang suspek na si Frank at pinagbabaril si Marlon.

Apat na tama ng bala sa ulo ang ikinamatay ng biktima.

Agad na tumakas ang suspek angkas-angkas ang babae na dati pala nitong karelasyon, ayon sa mga pulis.

Dahil dito, selos ang tinitingnan ng mga awtoridad na motibo sa krimen.

Matapos ang apat na oras, lumatad ang babae sa mga pulis upang linisin ang kaniyang pangalan.

Natakot at nataranta lamang daw siya sa nangyari kaya sumama siya sa suspek, na nadakip sa followup operation sa tulong na rin ng babae.

Maaari naman umaong madawit sa kaso ang babae kapag napatunayang may kinalamn siya sa krimen. —LBG, GMA News