Nahuli sa Cavite ang isang suspek ng panggagahasa at patong-patong na mga kasong sexual assault at acts of lasciviousness ang isang lolo dahil umano sa paulit-ulit na pangre-rape sa isang 14-anyos na dalagita sa Cabtuan sa lalawigan ng Iloilo.

Sa ulat ng "Unang Balita" sinabing nahuli ng mga tauhan ng Imus City, Cavite pulis ang suspek na kinilalang Ricardo Gancia.

Paulit-ulit umanong pinagsasamantalahan ni Gancia ang kapit-bahay niyang dalagita mula pa noong Nobyembre ng nakaraang taon.

Napag-alaman din na inaanak pa ng suspek ang ama ng dalagitang biktima, na hindi agad nakapagsumbong dahil umano sa pananakot ni Gancia.

Nabisto lamang umano ang panghahalay nang maaktuhan ng 9-anyos na kapatid ng biktima habang muling hinahalay ang kaniyang ate noong Disyembre.

Agad namang nagsampa ng pormal na reklamo ang pamilya ng biktima. Napag-alaman din na ang paulit-ulit na pangre-rape ay may kasama pang pananakot ng suspek sa biktima.

Ayon sa pamilya ng biktima, nakaalis na sa Iloilo ang suspek bago pa lumabas ang warrant of arrest laban sa kaniya.

Nalaman nila na nagtatago sa Imus City ang suspek sa pamamagitan ng mga picture na naka-upload sa social media kung saan dumalo ito sa kasal ng kaniyang pamangkin.

Agad na humingi ng tulong sa Imus Police ang pamilya ng biktima. Nasakote ang suspek hapon noong Martes sa Cavite.

Ayon sa mga pulis, tiyak na mabubulok sa kulungan ang suspek dahil sa patong-patong na kasong isinampa laban sa kaniya.

Ibabalik sa Iloilo ang suspek upang doon harapin ang kaniyang mga kaso, ayon kay Police Superintendent Audie Madrideo, hepe ng Imus police. —LBG, GMA News