Patay ang isang buntis sa bayan ng General SK Pendatun sa Maguindanao nang tamaan ng mortar fire mula umao sa kampo ng mga rebeldeng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Sa Ulat ng "Unang Balita" nitong Miyerkoles, sinabi ng mga pulis na abala sa gawaing-bukid ang buntis nang tamaan siya ng mortar.

Samantala, isang 14-anyos na lalaki rin ang nasugatan ng nasabing insidente, dagdag ng ulat.

Patuloy pa rin ang operasyon ng militar laban sa BIFF upang mapigilan ang paglipat ng grupo sa ibang kalapit-lugar sa Liguasan Marsh sa Maguindanao.

Ilang araw nang nagpapatuloy ang operasyon ng mga sundalo sa Liguasan Marsh at noong June 10, aabot sa 15 mga rebelde and napatay sa engkuwentro.

Noong ika-30 ng Mayo, nalukob ng mga sundalo ng pamahalaan ang isang arms factory at bomb-making facility ng BIFF,  ang rebeldeng grupong tumiwalag mula sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Sa kasalukuyan, nakikipag-usap ang MILF sa pamahalaan para sa kapayapaan sa Mindanao.

Mahigit 10,000 na ang mga nagsilikas upang makaiwas sa bakbakan, kabilang ang ilang mga residente mula sa bayan ng Pikit, Cotabato. —Maia Tria/LBG, GMA News