Bumulagta sa kalsada ang jeepney driver na si Marlon Sixto matapos pagbabarilin sa Bago City sa Negros Occidental.

Ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Hirit ngayong Miyerkoles, agad na ikinamatay ni Sixto ang apat na tama ng bala sa ulo.

Base sa imbestigasyon, sinundan ng biktima ang nililigawan niyang babae at pinipilit na sumama sa Bacolod City nang dumating ang nakamotorsiklong suspek na si Frank Alvares Sr.

Agad tumakas si Alvares angkas ang babae na dati niyang karelasyon.

Makalipas ang ilang oras, lumantad sa mga pulis ang babae para raw linisin ang kanyang pangalan.

Sa tulong ng kaniyang salaysay nadakip ang suspek.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang suspek na nahaharap sa reklamong murder.

Selos ang nakikitang motibo sa krimen. —JST, GMA News