Patay ang isang kahera ng isang convenience store sa Lipa, Batangas matapos siyang saksakin ng holdaper. Ang suspek, naaresto kinalaunan dahil naiwan niya ang kaniyang wallet sa tindahan.

Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, makikita sa kuha ng CCTV sa labas ng tindahan ang isang lalaki habang umaaligid.

Hindi nagtagal, pumasok ang lalaki at umorder umano ng inumin saka sinaksak ang kahera ng tindahan na si Myla Marasigan.

Tumakas ang suspek tangay ang ninakaw na P2,300 na pera ng tindahan. Nakita pa ang lalaki na tumatakbong palayo sa tindahan.

Walang guwardiya ang tindahan at natutulog ang kasama ng biktima nang mangyari ang krimen.

Sa follow-up operation, nasakote ang suspek na si  Josiah Matthew Manalo sa bahay ng ama nito sa Bauan, Batangas.

Nakilala ang suspek dahil sa wallet niya na naiwan sa tindahan na naglalaman ng ID, litrato at ATM card.

Nabawi ng mga pulis sa suspek ang jacket at damit niyang may bakas ng dugo.

Aminado naman ang suspek sa nagawang krimen dahil bigla raw nagdilim ang kaniyang paningin.

Mahaharap si Manalo sa kasong robbery with homicide.-- FRJ, GMA News