Patay ang isang drug lord umano na nakakulong sa Mandaue City Jail matapos mabaril isa ring bilanggo. Ang baril na ginamit, sinasabing pag-aari ng biktima na naipuslit sa loob ng kulungan.

Sa ulat ni Chona Carreon sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, sinabi ni Jail Supt. Jessie Calumpang, warden ng Mandaue City Jail, na iniulat sa kaniya ng duty personnel sa Therapeutic Community Building na may narinig itong sunod-sunod na putok ng baril sa selda ng biktimang si Steve Go dakong 11:30 am nitong Martes.

Kinilala ang bilanggong nakapatay kay Go na si Crescenciano Heyrana, na gumamit umano ng isang .38 baril, na naagaw daw niya sa biktima.

Isinugod pa si Go sa Mandaue City District Hospital ngunit binawian din ng buhay.

Sabi ni Calumpang, batay umano sa kuwento ni Heyrana, tinutukan siya [Heyrana] ng baril ni Go na kaniyang naagaw at ipinutok sa biktima.

Sumuko naman si Heyrana sa jail guard, at nahaharap sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga at multiple murder.

Noong nakaraang linggo, nagsagawa ng Oplan Linis Piitan sa Mandaue City Jail at may nakuha umanong mga kontrabando sa selda ni Go tulad ng cellphones, ilegal na droga, charger at iba pa.

Inaalam ngayon kung papaano may naiwang baril sa selda ni Go.

"Pina-search ko sa aking mga tauhan ang kanilang area, doon maraming nakuhang mga cellphone, sa katunayan nasa office ko para ma-inventory and subject for forensic para makuha kung ano ang nasa loob ng cellphone," sabi pa ni Calumpang.

Patuloy ang imbestigasyon ng Bureau of Jail Management and Penology sa naturang insidente.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News