Kalunos-lunos ang sinapit ng isang estudyanteng Grade 2 na nasawi matapos mabagok ang kaniyang ulo sa loob ng paaralan sa Tangub City, Misamis Occidental. Bago nito, nakaranas muna siya ng pananakit ng tiyan pero nahulog sa kaniyang kinauupuan.

Sa ulat sa Unang Balita ng GMA News nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Vin Gilcer Saganay, 7-anyos, ng St. Michael's Elementary School.

Sinabi ni Lucena Ferraren, principal ng paaralan, pinaupo ang biktima sa labas ng classroom dahil sa sakit na nararamdaman. Ngunit bumagsak si Saganay mula sa kinuupuan at tumama ang ulo sa bato.

Nakatayo pa ang biktima noong una pero natumba ulit at bumula na lamang ang bibig.

Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktima.

Sigaw ang hustisya, naninindigan ang pamilya ng biktima na posibleng may kapabayaan ang paaralan. — Jamil Santos/RSJ, GMA News