Patay sa engkuwentro kontra mga pulis noong Huwebes ang apat na miyembro ng isang criminal gang sa Zamboanga del Sur na umano'y kumakain ng tao.

Sa ulat ni Victoria Tulad sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing nangyari ang engkuwentro sa bayan ng Midsalip.

Nang mamataan ng mga awtoridad, agad umanong nagpaputok ang grupo na naging simulat ng barilan. Napatay ang apat na suspek.

Ayon sa Zamboanga Peninsula Pegional Police Office, may kinalaman din umano ang mga suspek sa ilang pamamaril sa Midsalip.

Dagdag pa, kumakain umano ang mga ito ng lamang-loob ng tao.

Nakuha mula sa mga suspek ang dalawang itak, tatlong homemade shotgun, isang caliber .45 handgun, at mga bala nito.

Tinugis ang apat ng pinagsanib-puwersang Regional Intelligence Division 9, Regional Special Operation Group 9-Task Force Tugis, Regional Intelligence Unit 9, Regional Mobile Force Battalion 9 at Midsalip Municipal Police Station. —Rie Takumi/LBG, GMA News