Naaresto ang isang barangay captain matapos makuhaan ng 50 gramo ng shabu at malaking halaga ng pera sa isang search operation bayan ng Kabacan sa North Cotabato madaling-araw nitong Linggo.

Sa bisa ng isang search warrant, hinalughog ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency Region 12 ang bahay ng drug suspect na si Bong Bacana alyas Barombong, kapitan ng Barangay Kayaga.

Sa ulat ni GMA News stringer Garry Fuerzas, nasamsam ng mga operatiba mula kay Bacana ang 50 gramo ng shabu, P233,700 cash, mga alahas, 1 caliber .45 na baril, mga cellphone, at drug paraphernalia.

Si Kapitan Bacana at ang may bahay nitong si Baliling Bacana ay mga miymebro umano ng local drug group sa bayan ng Kabacan at kalapit na mga lugar sa lalawigan.

Nahaharap ngayon ang kapitan at ang asawa nito sa mga kasong ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at illegal possession of firearms.

Ngunit, ayon mga taga-suporta ni Bacana, hindi totoo na dawit sa pagbebenta ng iligal na droga ang kapitan at pawang planted lamang umano ang mga nakuhang shabu sa pamamahay nito sa Sitio Lumayong sa Barangay Kayaga.

Ang dalawa ay nakapiit na sa PDEA 12 detention cell sa General Santos City. —LBG, GMA News