Patay ang isang barangay kagawad nang pagbabarilin ng mga salaring magkaangkas sa motorsiklo sa Lipa, Batangas, Sabado ng gabi.

Sa ulat ni GMA News stringer Marlon Luistro, kinilala ang biktima na si Rommel Luancing ng barangay Antipolo del Sur.

Sa paunang imbestigasyon ng mga pulis, dakong 6:35 p.m., nakikipag usap ang biktima sa isang dating konsehal sa may tabing kalsada ng barangay nang biglang dumating ang magkaangkas sa motor na mga suspek at pinagbabaril ang biktima, saka tumakas.

Hindi na umabot na buhay sa NL Villa Hospital ang biktima.

Patuloy ang imbestigasyon sa pagkakakilanlan ng mga salarin at sa motibo sa krimen. —LBG, GMA News