Isang lolo sa Hagonoy, Bulacan ang nakagawa ng kakaibang bisikleta na kayang umarangkada sa baha dahil sa taas nitong halos siyam na talampakan.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabi ang 68-anyos na lolo na si Rodrigo Tumalad, naka-imbento ng bisikletang tila panghigante ang taas.

Ayon kay Tumalad, ginawa niya ang mataas na bisekleta para may magamit siya tuwing binabaha ang kanilang lugar.

Sinabi naman ni Daydi Abon, nag-upload sa social media ng video ni Tumalad habang sakay ng bisekleta, mahilig daw talagang bumuo at mag-imbento ang matanda ng mga kakaibang sasakyan.

Bukod sa mataas na bisekleta, mayroon din umanong jeep-cycle o tricycle na may disenyo ng jeep na may free wifi, TV at videoke si Tumalad.--FRJ, GMA News