Arestado sa buy-bust operation ang isang major supplier umano ng marijuana sa mga paaralan sa Bacoor, Cavite. Ang suspek, ginagamit pa raw na runner ang ilang estudyante.



Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Martes,  sinabing kaagad na dinakip si Christian Rienda, 21-anyos, nang maiabot niya sa undercover na pulis ang biniling droga.

Ayon sa  pulisya, kabilang si Rienda sa mga pangunahing supplier ng marijuana sa mga public at private schools sa Bacoor.

Narekober sa suspek ang isang kilo ng marijuana na may street value na P150,000.

Nakumpiska naman ng opisyal ng isang paaralan ang isang ballpen na ginawang lalagyan ng marijuana para madaling maipasok sa eskwelahan ang ipinagbabawal na droga.

Itinanggi ng suspek na nagbebenta siya pero aminadong gumagamit ng marijuana. --FRJ, GMA News