Nawawala ngayon ang isang 19-anyos na lalaki na nasa internet shop matapos siyang posasan at sapilitan na isakay umano sa van ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Davao City.


Sa ulat ni Sheillah Vergara-Rubio sa GMA News "Balita Pilipinas," kinilala ang biktima na si Alex Cortesa, na nasa internet café noong Miyerkoles sa Emily Homes Cabantian nang mangyari ang insidente.

Sinabi ng may-ari ng cafe na si Petronio Baluyot,  apat na tao na may takip sa mukha ang dumating at isinakay si Cortesa sa van.

"Hindi ko alam basta ang narinig ko lang sinabi ng binata na 'Anong kasalanan ko sir?' Bigla siyang pinosasan at itinulak papasok sa van," ayon kay Baluyot.

Kinumpirma naman ng kasintahan ni Cortesa na nawawala ang biktima.

"Pumupunta lang sila sa buhangin sir, pero wala daw doon. Nagpa-blotter na nga ang tatay niya at hinintay na lang namin ang 24 hours," sabi ni Jasmine Arrieta.

Ayon pa kay Arrieta, walang nakakaaway ang biktima at palagi lang daw na tumatambay sa internet cafe.

Gayunman, minsan ay napapasama umano ang biktima sa mga kaibigang nasasangkot umano sa pagnanakaw.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente, at hindi pa nila makompirma kung talagang dinukot si Cortesa.

"For validation pa ito sir. Kakausapin muna natin ang mga magulang ng biktima tungkol sa background ng anak nila kung ano nga ba ang totoo," sabi ni P/Chief Jack Leon Tilcag, chief ng Buhangin Police. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News