Bangkay na at may saksak sa batok nang matagpuan ang isang babae sa talahiban sa Barangay Sta. Catalina sa Zamboanga City. Ang biktima, wala ring saplot pang-ibaba nang makita na palatandaan ng pulisya na posibleng ginahasa siya.

Sa ulat ni Cecille Villarosa sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Nursiya Taala.

Sa pinangyarihan ng krimen, isang screw driver ang nakita na pinaniniwalaang ginamit ng salarin para patayin ang biktima.

Batay sa nakalap na impormasyon ng mga awtoridad, madalas umanong tumambay si Taala sa palengke kasama ang isang grupo ng mga lalaki.

Bago natagpuan ang kaniyang bangkay, may nakakita umano sa biktima na naglalakad papunta sa talahiban kasama ang isang lalaki.

May tinutugis na raw na salarin ang mga awtoridad.

Samantala sa Ozamiz City, Misamis Occidental, patay naman sa pamamaril ang isang lalaki na pinaghinalaan na sangkot sa mga robbery holdup.

Kinilala ang biktima na si Patsilo Florida, na nagtamo ng 15 tama ng bala sa ulo at katawan.

Sinabi ng pulisya na sakay si Florida ng kaniyang motorsiklo nang pagbabarilin ng dalawang magkaangkas sa motorsiklo.

Ayon kay Roxane Simbajon, live-in partner ni Florida, na may kumausap sa biktima bago ang krimen at pinagbibintangan daw itong sangkot sa mga pagnanakaw pero itinanggi nito ang paratang.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News