Napaiyak at nagsisigaw ang isang ginang sa Baao, Camarines Sur matapos siyang arestuhin ng mga pulis sa kaniyang bahay, at sa harap ng kaniyang mga anak dahil umano sa pagtutulak ng droga.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing sinalakay ng mga awtoridad ang bahay ng suspek sa bisa ng search warrant.

Nang maghalughog ng mga operatiba sa kaniyang bahay, nakuha ang dalawang pakete ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia.

Napag-alaman na dati na ring nakulong ang suspek kaugnay ng droga pero itinanggi niya na nagtutulak siya.

Bagaman gumagamit umano ng droga paminsan-minsan, iginiit niya na hindi sa kaniya ang mga nakuhang droga sa kaniyang bahay.

"Hindi totoo 'yan sir, mula nang lumaya ako sir hinding hindi na ako nagbebenta niyan," giit niya. "Ang inirereklamo ko po sir, kagigising lang daw ng mga bata may pumasok daw na dalawang pulis dito, tinutukan sila sabi ng anak ko."

Itinanggi naman ito ng awtoridad at sinabing palusot na lang ng suspek.

Sa hiwalay na operasyon sa parehong bayan, dinakit naman ang siyam katao na naaktuhan umano ng mga pulis na gumagamit ng droga sa isang bahay.

Kabilang sa mga naaresto ang magkapatid na Elmar at Danila Badong, at ang kanilang ama na si Emmanuel.

Kasama ring inaresto ang ka-live in ni Emmanuel na si Joan Briñas. -- FRJ, GMA News