Wala nang buhay nang matagpuan ang isang anim na buwang gulang na sanggol matapos umano itong mahulog at malunod sa baha habang natutulog kasama ang kaniyang ina sa Malolos, Bulacan.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Jerems Earl Nalaunan, na nalunod umano sa kanilang bahay sa Sitio Sulok, Bagna.

Ayon sa lolo ng sanggol na si Antonio Buenaventura, natutulog noon ang mag-ina kasama si Jerems sa isang papag, ngunit marahil ay hindi napansin ng ina na nahulog ang sanggol sa baha na hanggang hita ang lalim.

Wala rin ang ama ng sanggol, na bumili noon ng gatas.

Huli na nang magising ang ina dahil patay na ang bata.

"Naipit pa sa durabox saka sa papag," sabi ni Buenaventura.

Sinubukan pang dalhin sa ospital si Jerems pero hindi na siya umabot nang buhay.

Labis naman ang pagdadalamhati ng pamilya sa nangyari.

Samantala, nasa mahigit 100 barangay mula sa 14 bayan sa Bulacan ang lubog pa rin umano sa baha.

Sinabi ng mga residente na tataas pa ang baha dahil sa high tide, bagaman bahagya na itong humupa.

"Three weeks na, three weeks na. Pero ngayon, palaki. Palaki pa ngayong araw na 'to," anang residente.

Ang mga taga-Bulacan, bangka na ang ginagamit bilang transportasyon.

Lumikas na ang iba sa mga evacuation center ngunit ang iba ay nanatili pa rin sa kanilang mga bahay.

Ubo, sipon, at sakit sa balat gaya ng alipunga ang mga karaniwang sakit na nakukuha nila ngayon.

Nanawagan din sila na mabigyan sila ng gamot at pagkain dahil naapektuhan na rin ang kanilang kabuhayan.

Sa Brgy. Matungao sa bayan ng Bulacan, halos 50 pamilya ang nagsasama-sama sa isang evacuation center matapos magsilikas.

Kasma sila sa mahigit 1,000 pamilya na umalis ng mga tahanan dulot ng baha.

Nananawagan ng tulong ang evacuee na si Rosa dela Cruz para sa kanilang mga naperwisyo ng masamang panahon.

"Nananawagan kami na ano'ng magawa para matulungan kami po," sabi ni dela Cruz.

Namigay naman ng gamot at pagkain ang lokal na pamahalaan sa mga evacuee.

Sa Pampanga, bayan ng Masantol, abot-baywang pa rin ang baha at hindi pa rin humuhupa.

Mahigit isang buwan nang lubog sa baha ang bayan, ayon sa mga residente na piniling manatili sa kanilang mga bahay.

Dagdag nila, mas matagal sa kasalukuyan ang paghupa ng baha at lalo pa itong lumalalim.

Mabilis din umano ang pagragasa ng tubig sa ilog. Isa ang high tide sa lugar sa itinuturong dahilan ng matagal na paghupa ng baha.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News